Maiqui Dayrit: ‘Ironman’ na may puso

Hindi na mapigil ang pagsikat ng larong triathlon, isa sa pinakamahirap na sporting event sa balat ng lupa. Kumbinasyon ito ng tatlong laro: long-distance swimming, biking, at marathon na ginagawa nang tuluy-tuloy at walang pahinga. Kamakailan lang ay matagumpay na itinanghal sa Camarines Sur ang 2nd Ironman 70.3 Philippines na nilahukan ng mahigit 600 triathletes mula sa 34 bansa.

Pero bago pa man sumikat ang larong ito, isang Pinoy triathlete ang matagal nang nagsasagawa ng kanyang sariling Ironman event hindi para sa sariling karangalan, kundi para makatulong sa mga batang may kapansanan.

Siya si Maiqui Dayrit, 39, isa sa mga kilalang triathletes ng bansa. Tuwing buwan ng Setyembre sa nakalipas na limang taon, naglalaan si Dayrit ng 12 oras sa loob isang araw para maglangoy ng 2.4 milya (3.86 km), magbisikleta ng 112 milya (180.25 km) at tumatakbo ng 26 milya at 385 yarda (42.195 km) sa paligid ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa at bahagi ng Bacoor, Cavite.

Tampok ang “Maiqui’s Ironman” sa taunang “12-hour Multi-Sport Celebration” ng Gabriel Symphony Foundation na pinamumunuan ni Senadora Pia Cayetano na isa ring triathlete. Bawat kilometrong pinagpapawisan ni Maiqui ay may katumbas na donasyon mula sa kanyang mga kaibigan at isponsor.

Sa kanyang ika-anim na taon, target ni Dayrit na makamit ang P1-milyon halaga ng mga nalikom na donasyon. Ginagamit ang pondo para sa operasyon ng mga batang may bingot (cleft lip and palate), pambili ng hearing aides para sa mga batang isinilang na bingi, at artificial eyes para sa mga batang isinilang na bulag.

 

“Noon pa man, malapit na ang loob ko para sa mga bata. Salamat kay Senadora Pia [Cayetano], nagagamit ko ang aking training bilang triathlete para mapabuti ang kanilang buhay. Malaki rin ang pasasalamat ko sa mga sumusuporta sa akin,” ani Dayrit.

“Mas mabuti sana kung magdo-donate sila ng parehong halaga [donors] para sa mas maikling distansya para ‘di ko na kailangang maghirap ng 12 oras. Pero malabo ‘yun,” dagdag nya. “Ito nga siguro ang hamon para sa akin. Kailangan kong pagpaguran ang bawat pisong donasyon para sa mga bata.”

“Minsan nga, naitatanong ko sa sarili: Bakit ba kailangan ko pang gawin ito? Pero pag naiisip ko kung gaano karami ang pwede kong matulungan ay parang nawawala na rin ang pagod ko.”

“Syempre itutuloy ko ito habang may nagkukusang tumulong. Kung tutuusin, isa ito sa pinakamagandang paraan para ipagdiwang ang aking kaarawan [Setyembre 11],” pagtatapos niya.

Pwede nating suportahan si Maiqui Dayrit sa darating na 8th Gabriel Symphony Multi-Sport Celebration na gaganapin sa Setyembre 4, Sabado, mula 6am to 6pm sa Alabang Country Club sa Muntinlupa City. Maaaring sumangguni sa 09178554489 o mag-email sa gabrielsymphony2010@gmail.com. Bisitahin ang www.gabrielsymphony.com para sa online registration at mga detalye.

If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>