‘Child Support Act,’ isinusulong

News Release
20 Setyembre 2011

Panukalang nagpaparusa sa mga magulang na umiiwas magbigay ng sustento sa inabandonang anak, isinusulong ng 3 babaeng senador

Babala sa mga pabayang magulang, ama man o ina, na ayaw magbigay ng ‘child support’ o suportang pinansyal sa kanilang mga inabandonang anak: Isinusulong ng tatlong babeng miyembro ng Senado ang isang panukala na naglalayong parusahan ang mga magulang na sadyang umiiwas sa kanilang responsibilidad na magbigay ng sustento sa kanilang anak – lehitimo man ang huli, o maituturing na ilehitimo sa ilalim ng ating batas o tinaguriang ‘anak sa labas.’

Didinggin ngayong hapon ng Senate Committee on Youth Women and Family Relations sa pangunguna ni Senadora Pia Cayetano ang panukalang ‘Child Support Act’ o ‘An act penalizing willful failure to pay child support obligations.’

Ang panukala ay nakapaloob sa ilalim ng Senate Bill No.1338 na akda ni Senadora Loren Legarda at 1515 na akda naman ni Senadora Miriam Defensor-Santiago.

Sa ilalim ng SBN 1338 ni Legarda, ang isang magulang na sadyang ‘di nakapagbigay ng suporta sa loob ng isang taon, o may atrasong sustento na aabot sa limampung libong piso (P50,000) o higit pa, ay maaaring patawan ng parusang ‘prision correctional,’ o mula anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong sa ilalim ng Revised Penal Code.

Samantala, sa ilalim naman ng SBN 1515 ni Defensor-Santiago, ang isang magulang na nagpabayang magbigay ng suporta sa loob ng isang taon, o may atrasong sustento na aabot sa tatlumpung libong piso (P30,000) o higit pa, ay maaari namang pagbayarin ng korte ng katumbas na multa, o makulong sa loob ng anim na buwan, o kaya’y maharap sa parehong kaparusahan, ayon sa diskresyon ng korte.

Dagdag pa, sa ilalim ng SBN 1515, ang isang magulang na napatunayang umiwas sa pagbibigay ng suporta sa loob ng isang taon o higit pa, o di nakapagbayad ng sustentong aabot sa tatlumpung libong piso (P30,000) o higit pa – sa pamamagitan naman ng pagbiyahe sa ibang bansa o sa loob man ng bansa – ay maaaari namang maharap sa multang katumbas ng dalawang ulit sa ‘di nabayarang sustento, o pagkakakulong sa loob ng dalawang taon, o kaya’y mapatawan ng parehong kaparusahan, ayon sa diskresyon ng korte.

Sa ilalim ng naturang mga panukala, ang ‘child support’ o ‘support obligation’ ay tumutukoy sa halagang itinakda ng korte o napagkasunduan sa ilalim ng isang ‘binding contract’ bilang halaga na dapat ipagkaloob bilang sustento ng isang magulang para sa kanyang anak, o sa kanyang anak at sa magulang kung saan ito naninirahan.

Diin ni Cayetano, katungkulan ng Estado na ipagtanggol ang karapatan ng bawat bata para mabigyan ng sapat na kalinga, aruga at tamang nutrisyon, at makatanggap ng proteksyon mula sa anumang uri ng kapabayaan, pang-aabuso o diskriminasyon.

Dagdag pa nya, hindi dapat magtangi ang batas sa karapatan ng isang naabondang anak – maging lehitimo man ito o hindi – para makatamasa ng suporta mula sa kanyang magulang.

Gaganapin ang pagdinig sa panukalang ‘Child Support Act’ sa Martes, Setyembre 20, mula 1:00 to 3:00 ng hapon sa Tanada Room ng Senado.

Kabilang sa mga naimbitihan ay ang mga kinatawan ng Department of Social Work and Development, Department of Justice, Public Attorney’s Office, Commission on Filipinos Overseas, Overseas Workers Welfare Administration, Bureau of Internal Revenue sa panig ng pamahalan; at Kanlungan Center Foundation, Blas F. Ople Policy Center, UP Center for Women’s Studies, Center of Migrant Advocacy at Employers’ Confederation of the Philippines sa panig naman ng non-government organizations at pribadong sektor. #

Link to SBN 1515 (Defensor-Santiago) – http://senate.gov.ph/lis/bill_res.aspx?congress=15&q=SBN-1515

Link to SBN 1338 (Legarda) – http://senate.gov.ph/lis/bill_res.aspx?congress=15&q=SBN-1338

If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*


*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>